Ito ang nakita ko sa Intramuros. Ang rebulto ng dating hari ng Espanya – si Señor Felipe II – at ang mag-inang nagpapahinga sa lilim nito. Hindi sa duyan, hindi sa kama, at hindi sa upuan, kundi sa karton na inilatag lamang sa plaza. Hindi sila humingi ng abuloy o limos sa amin; kuntento na lamang sila na may lugar na pwede silang magpahinga, sa isang lugar na malayo sa mainit na sinag ng araw sa Maynila.
Napaisip ako kung bakit dito sila nagbakasakaling magpahinga. Tahimik ang Maynila sa Linggo; walang trapik, walang tao. Kung gusto nila ng lilim, maaari naman siguro sa lilim ng mga puno o di kaya’y sa pintuan ng mga bangko. Kung gusto nila ng limos, maaari silang humingi ng abuloy sa mga tao sa mga kapihan at kainan. Siguro, gaya ng marami dito sa Maynila, pagod lang sila. Pagod siguro ang ale sa kakabenta ng kendi at sigarilyo, o pagdidilihensya sa mga motorista. Ngunit bakit dito? Bakit pa sa paanan ng hari ng isang kaharian na, minsan sa kasaysayan, naging amo ng ating bansa?

