Lupain ng Pagkaalipin, Lupain ng Kalayaan
Isang pagtatangka sa pagsasalin ng “Land of Bondage, Land of the Free” ni Raul Manglapus
Noong araw, may pag-aari ang Tao na kapirasong lupa. Iyon lamang ang kanyang pag-aari. Ngunit iyon ay kanyang minahal, sapagkat ibinigay nito ang tatlong bagay na kanyang ikinalulugod: unang-una’y kabuhayan, at kalayaan, at di papahuli, kaligayahan.
Isang araw, dumating ang Kastila at siya’y inutusang magbayad ng papuri’t parangal sa Hari ng Espanya. Nagbayad ang Tao. Siya’y nanahimik; sapagkat sigurado siyang siya pa rin ang nagmamay-ari sa kanyang lupa.
Yumaman ang Kastila. Ngunit kasabay ng kayamanan ang panghihimasok ng kasamaan, at ang Tao’y muli niyang nilapitan. Ipinahayag niya sa Tao ang isang mabigat at kakila-kilabot na kasulatan: “Naaayon dito sa decreto real, na sa kasamaang palad ay di mo mabasa at maintindihan, ang ibinabayad mo sa akin ay hindi pagkilala ngunit upa, sapagkat akin – hindi iyo – ang lupa.” Nagbayad ang Tao at nanahimik na lamang: hindi na siya malaya. Siya’y naging alipin. Sa kabila ng lahat nito, nanatili ang katahimikan ng Tao. Pataas ng pataas ang upa. Nagutom ang Tao.
Ngayon, siya’y nagsalita. Hindi sa wika o sa bukambibig, ngunit gamit ang kanyang karaniwang kagamitan na ginamit niya sa lupaing dating kanya: ang bolo. Mula sa isang kasangkapang pambukid, ang bolong ito ay naging instrumento ng kamatayan, at gamit ito’y itinaboy ang banyaga. Siya’y nagbalik sa kanyang bukid at kanyang sinabi: “Ngayon ako muli ang magiging panginoon ng lupaing ito, na minsa’y akin, ngunit ninakaw sa akin ng panlilinlang at pandaraya ng mga taong mas matalino at mas may pinag-aralan kaysa sa akin.”
Nagkamali ang Tao. Ang lupang sa kanya lamang ay may bago nang nagmamay-ari. Ngayon, hindi dayuhan ang nagmamay-ari ng kanyang lupa, ngunit ang kanyang kababayang naging mayaman. Nagkaroon ng bagong pangalan ang Tao – Kasama – na sa atin ay nangangahulugang kasosyo o kaakibat, ngunit sa kanya’y mga pagdurusang kagaya din ng dayuhan: mga upa, pandaraya, at kung anu-ano pa.